Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Makalipas ang mahigit isang taon mula nang mangyari ang insidente, isinilbi kahapon ng mga kapulisan ng Baggao ang mandamiyento de aresto sa 50-anyos na lalaking nanggahasa ng 11-anyos na anak sa Sitio Mansarong, Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Romeo Bassig, magsasaka, residente ng nabanggit na bayan at tinaguriang “Top 7 Most Wanted Person” sa Rehiyon Dos.
Ganap na alas sais ng gabi noong Marso 15, 2021 nang maganap ang panghahalay ng suspek sa biktima na itinago sa pangalang “Jane”. Naiwan sa pangangalaga ng suspek si “Jane” nang mamayapa ang kanyang ina. Ayon sa ulat ng Baggao PNP, natutulog umano ang dalagita nang mapansin at maramdaman nitong may humihipo sa kanyang hita na humantong sa panggagahasa kung saan ang salarin ay walang iba kundi ang kanyang sariling ama. Nakasaad rin sa salaysay ng biktima na ang matinding takot sa ama ang nagtulak sa kanya upang ipagbigay-alam sa tiyahin ang kanyang sinapit sa kamay ng suspek. Agosto 4, 2021 nang maidulog sa himpilan ng pulisya ang insidente.
Samantala, nagawa pa umanong manlaban ni Bassig sa mga awtoridad nang arestuhin ito. Armado ito ng “tabas” at inatake umano ang isa sa mga kapulisan kaya naman napilitan itong paputukan ng baril at natamaan ang kaliwang bahagi ng puwitan nito.
Agad namang isinugod ang suspek sa Baggao District Hospital para sa agarang atensyong medikal at kalauna’y nakalabas na rin sa nabanggit na pagamutan. Si Bassig ay kasalukuyang nakapiit sa Baggao Police Station at nahaharap sa kasong “Rape” in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.
PRO2 News Brief 06-10-11
June 10, 2022
###