CAMP MARCELO A ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Naaresto na ng Cauayan City Police Station ang suspek sa pagpaslang sa 60 anyos na biktimang si Magelan Pisalang Durao ng P7D, District 1, Cauayan City, Isabela.

     Ang nadakip na suspek ay kinilalang si Frederick Paccarangan alias “Pendong”, residente ng nasabing lugar.

     Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City Police Station hating gabi noong Ika-6 ng Hunyo 2022 nang pagsasaksakin umano ng suspek ang biktima sa loob ng kanyang bahay at kasalukuyan ng nagpapahinga.

    Napag alaman na bago pa nangyari ang krimen, nasa kasarapan ng pagtulog ang biktima nang maalimpungatan ito dahil sa tahol ng aso. Sa puntong ito, bigla na lamang pumasok ang suspek sa silid ng biktima at walang kaabog abog na itinulak ito at saka ito nagbanta. Kasunod nito ay walang awang pinagsasaksak ng suspek ang biktima ng paulit ulit sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan. Kaagad tumakas ang suspek na si Pendong subalit nadakip din kinalaunan ng PNP.

     Samantala, isang menor de edad ang nakasaksi umano sa insidente na apo mismo ng biktima at kung saan nakapag video pa umano ito ang magyari ang krimen. Kaagad itong humingi ng saklolo sa kapitbahay nang makita niyang tangkaing sunugin ng suspek ang silid ng biktima.

    Agad na naisugod ang biktima sa Cauayan District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ito ng umaasikasong doktor.

    Narekober ng Cauayan CPS at PNP Forensic Unit Cauayan City sa crime scene ang isang “kitchen knife” ng suspek na ginamit sa pananaksak.

     Sumasailalim na sa inquest proceeding ang suspek para sa kasong Murder na isasampa laban sa kanya sa City Prosecutor’s Office, Cauayan City, Isabela.