Arestado ang isang magsasaka matapos mahulihan ng walang papeles na baril sa Nagtipunan, Quirino kahapon.
Kulungan ang bagsak ng suspek na si Richard Bugtong y Sacla, 23 anyos, isang magsasaka at residente ng Purok 4, Brgy. Landingan, Nagtipunan, Quirino.
Batay sa ulat ng PNP Nagtipunan, dakong alas 5:30 ng hapon noong ika-24 ng Abril taong kasalukuyan nang dakpin ng mga pulis si Bugtong matapos itong mahulihan ng isang improvised caliber 22 firearm na kargado ng isang bala.
Napag alaman na bago ang pag aresto, isang concerned citizen ang sumita sa suspek na huwag magkalat ng mga bato sa gitna ng daan na ikinagalit ng una. Dali- dali umanong umuwi ito sa kanilang bahay at pagbalik nito at may bitbit ng baril at dito kinumprunta ang huli hanggang sa mag agawan sila sa baril.
Kaagad na naaresto ang suspek at nakumpiska ang armas nito dahil sa maagap na pagresponde ng mga elemento ng Nagtipunan Police Station sa pangunguna ni PLT JAMES C PASCUAL, Deputy Chief of Police.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at paglabag sa Omnibus election Code ang suspek na sa ngayon ay nasa pag iingat parin ng nasabing himpilan.